Church discontinues "Mother of All Billboards"

'Mother of all billboards' kusang binaklas ng Simbahan
Ni Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) Updated April 07, 2011 12:00 AM


MANILA, Philippines - Nagkusang ipinabaklas ng Simbahang Katoliko ang itinuturing na isa sa pinaka­malaking “tarpaulin billboards” sa Pilipinas matapos na mapagtanto ang pa­nganib na dulot nito sa publiko.

Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na isang tagumpay na maituturing ang pagkawala ng billboard na nasa panulukan ng EDSA-Guadalupe-JP Rizal Street Cloverleaf interchange sa Makati City.

Itinuturing ang naturang billboard ng United Architects of the Philippines na dating pinakamalaki sa sukat na 160 ft. x 160 ft. (48 meters x 48 meters = 2,304 square meters).

Dating nakatirik ang naturang billboards sa ari-ariang sakop ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary at San Carlos Seminary at pag-aari ng Roman Catholic Arch­diocese of Manila.

Matatandaan na epektibo ngayon ang kampanya ng MMDA na matanggal ang mga mapanganib na mga billboards sa Metro Manila na malaki ang posibilidad na magdulot ng panganib sa publiko tulad ng naganap na pagkapunit ng mara­ming higanteng tarpaulins at pagbagsak ng mga istruktura nang humagupit ang bagyong Milenyo sa bansa noong 2006.

Ayon pa sa datos ng MMDA, maraming mga moto­rista, partikular na ang mga na­kasakay ng motorsiklo ang naaaksidente sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil sa pagka­baling ng atensyon sa mga higanteng billboards.